top of page

Umuulad ang Pilipinas?

Beatrix Malesido

 

May pulitikong nagsabing senyales daw ng pag-unlad ng ekonomiya ang paninikip ng kalsada at pagbigat ng daloy ng trapiko. Aba, kung ganito lang eh ang haharapin ng bansa para lang umunlad, sana'y hindi na lang tayo umunlad!

 

Hindi ko mawari kung umuunlad na ba talaga tayo, kasi naman, oo nga't nagyayabang ang mga nakatataas na tumataas nga ang ratings ng Pilipinas pagdating sa stock market at sa kung ano pa mang pamantayan ng kaunlaran, hindi naman ito nararamdaman ng mga mahihirap.

Kahit na umuunlad na nga raw ang Pilipinas, gano'n pa rin ang kalagayan nila sa buhay—nagugutom, walang trabaho.

 

Kung tunay nga na umuunlad tayo, bakit gano'n pa rin ang itsura ng Pilipinas? Makalat pa rin. Mausok pa rin. Trapik pa rin—ay, oo nga pala, hindi kasali ang trapik dahil senyales nga pala ito ng kaunlaran. Marami pa ring mandurukot at pulubi na nagkalat sa mga lansangan.

 

Tingin ko, mga mayayaman lang ang nakararamdam ng sinasabing kaunlaran na 'yon, eh. Mga mayayaman na sa simula pa lang ay mapepera na talaga, kaya't yumayaman lang sila lalo (masasabi rin natin na ang kaunlaran pala ng Pilipinas ay hindi sa ekonomiya kundi sa mga bank account ng iiilan lamang). Pero, tingin ko lang naman 'yon. Baka nakararanas din ng pag-unlad ang ilang simpleng mamamayan, pero hindi lang nila ipinagsasabi.

 

Kung ako ang tatanungin, hindi pa ito ang henerasyon ng kaunlaran ng bansa. Naghahandang umunlad, o papaunlad, oo, pero hindi umuunlad na. Hindi naman mabilis na proseso ang kaunlaran, eh. Hindi pwedeng no'ng nalaraang administrasyon eh lugmok pa tayo sa kahirapan tapos ngayon bigla na lang tayong uunlad! Marami pang tatahaking pagsubok ang bansa tungo sa inaasam nitong kaunlaran (sana, maabutan ko pa 'yon).

 

May pag-asa naman ang Pilipinas, eh. Nasa mga Pilipino na 'yon, kung paano pauunlarin ang bansa sa mga susunod na taon. At naniniwala ako na kapag umunlad na talaga ang Pilipinas, mababawasan (kung hindi kayang mawala na talaga) na ang trapik.

© 2023 by WRITERS INC. Proudly created with Wix.com

  • facebook-square
  • Twitter Square
bottom of page