CPP vs. Bullying, pinalalawig ng DepEd
Franz Embudo
Mas pinaiigting ng Department of Education (DepEd) sa pangunguna ni Sec. Armin Luistro ang pagpapatupad ng Department Order No. 40 o ang Child Protection Policy (CPP) upang masawata ang laganap na bullying sa mga pribado at publikong paaralan sa bansa.
Base sa polisiya, ipinagbabawal ang pang-aabuso at diskriminasyon sa mga bata kasama na ang pang-aapi na bunga ng bullying at peer abuse.
"It is important for us to stand up against bullying in schools. Enough is enough." wika ni Sec. Luistro.
"To stop bullying, we have to act now because for our children, it may be able too late." dagdag pa ni Alberto Muyot, DepEd Undersecretary for Legal and Legislative Affairs.
Ayon sa tala ng DepEd, may 112 na kaso ng bullying ang naiulat sa kanila kung saan may pinakamaraming kaso sa National Capital Region (NCR) na may bilang na 59 mula Agosto 2010 hanggang Mayo 2012 gaya ng pananakit at pangtututok ng baril ng isang tatay sa isang estudyante ng Colegio de San Agustin na kaaway ng kanyang anak.
Kaugnay nito, sa pakikipagtulungan ng Jesuit Basic Education Commission (JBEC) at Solar Entertainment, ipinalabas ng DepEd ang isang dokumentaryo na pinamagatang "bully" na mula pa sa America.