Naiintindihan Mo Ba Sila?
Beatrix Malesido
Nakaaalarma na maraming kabataan ngayon (o minsan pa'y mga may-edad na) ang pumipiling kitilin ang mga buhay nila. Pero ano ba ang mas nakaaalarma rito? Ito ay 'yong mga taong naging dahilan kung bakit sila nagpakamatay.
Hindi lang iisa ang dahilan kung bakit nagpapakamatay ang tao, at hindi mo rin masasabi na mababaw ito o malalim. Hindi dagat ang dahilan kung bakit nagpapakamatay, hindi 'yon dapat sukatin sa gano'ng paraan. Ang mahalaga, alamin at subuking intindihin ang dahilan nila.
May mga nagpapakamatay dahil sa problema sa pamilya, sa pera, at sa pag-aaral. Meron naman na dahil sa mga problema sa pag-iisip, at sa depresyon. Minsan pa nga, hindi lang iisa ang dahilan—pwedeng makaranas ang isang tao ng depresyon dahil pinipilit siya ng pamilya niyang magkaroon ng perpektong marka sa eskwelahan at dahil doon ay wala na siyang panahon makipagkaibigan.
May ilan sa kanila na nagbalak na magsabi ng problema. Pero ano nga ba ang sinabi sa kanila? "Lilipas din 'yang problema mo", "Nasa ulo mo lang lahat 'yan", o kaya naman ay "Magdasal ka lang"? Siguro dapat malaman natin na hindi sapat ang mga salitang ito. Kasi kahit na alam nila na matatapos ang lahat ng problema nila, hindi nito binabawasan ang sakit na nararamdaman nila.
Mayroon pa ngang mga taong nanghuhusga ng mga taong nagpapakamatay—sinasabing mapupunta sila sa impyerno. Hindi, hindi sila mapupunta sa impyerno. Mas impyerno pang maituturing 'tong tinakasan nilang mundo na puno ng pasakit at mapanghusgang mga taong hindi muna pinag-iisipan ang mga sinasabi nila.
Pero, bakit nga ba nagpapakamatay ang isang tao? Totoo bang sarili lang niya ang iniisip niya at hindi ang kung anong mararamdaman ng ibang tao? Hindi. Sa katunayan, bago magpakamatay ang isang tao, pinag-iisipan niya muna kung anong magiging epekto nito sa iba: kung makabubuti ba ito o hindi (sa kasamaang palad, kadalasan, iniisip nila na mas makabubuti ito para mga nakapaligid sa kanila).
Oo, sabihin na nating mali ang pagpapakamatay. Sabihin na natin na labag ito sa mga Utos ng Diyos. Pero isipin din natin ang naramdaman ng taong gumawa nito. Subukan nating intindihin kung saan siya nanggaling, subukan nating ilagay ang mga sarili natin sa sapatos niya.
Baka nga mas mauna pa tayong sumuko kesa sa kanila, eh.