top of page

Trahedya Sa Mundo ng mga Kontrakwal

Yvonne Fernandez

 

Hindi biro ang buhay ng isang ordinaryong manggagawang Pilipino. Sabi nga nila, bawat isang manggagawang Pilipino ay dugo't pawis ang puhunan sa bawat trabahong kanilang ginagawa. Paano pa kaya ang buhay ng isang kontrakwal na manggagawa? Walang kasiguraduhan na kung pagkatapos ba ng kanyang kontrata sa kanyang kompanyang pinagtatrabahuhan ay maaari pa siyang makapag-renew muli ng kontrata. Marami sa ating mga manggagawa ang kontrakwal lamang at karamihan sa ating mga kababayan ay bulag sa kung ano ang katotohanan sa likod ng buhay ng mga taong ito.

 

Isang dokyumentaryo na “Bayan ng mga Kontrakwal” ang ipinalabas sa Tanghalang PUP sa Polytechnic University of the Philippines. Nagsimula ang kwento sa isang instructor na si Silay Lumbera na siyang nagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas. Kontrakwal siya. “Hindi sigurado.” Ganyan niya inilarawan ang pakiramdam niya tuwing matatapos ang kanyang kontrata sa paaralan. Nakakalungkot isipin na habang tinutulungan niyang pumasa ang mga estudyanteng kanyang tinuturuan upang makatuloy sa susunod na simestre ay siya naman itong walang kasiguraduhan kung makakapag-patuloy pa sa susunod na pasukan. Sa Unibersidad na pinaka-prominente sa bansa ay mga mga tulad pa ni Silay na kontrakwal pa rin hanggang ngayon. Isa na rito si Nelin na nakatapos ng kursong BA sa Anthropolohiya at ilang yunits sa masteral sa Asian Studies. Ipinakilala rin ni Silay si Stephanie na kapwa nila kontrakwal na siya namang nakatapos ng BA sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino at Cum Laude pa. Para bang isinasampal sa mukha ng mga taong ito na kahit pa anong natapos nila, dahil sa hindi pantay-pantay ang lahat ng tao sa mundo mananatili silang nasa baba at walang kasiguraduhan ang pag-unlad. Biruin mo nga naman, nakapag-tapos na nga ng may Latin Honors, kontrakwal pa rin?

 

Inilarawan ni Nelin ang kalagayan ng isang kontrakwal na nagtatrabaho sa UP. Kapag ang isang manggagawa ay hindi regular, nakakapanlumo man, ay wala itong benefits na makukuha. Umamin rin ang mga ito na base sa “Four-Fold Test” ang mga kontrakwal na manggagawa sa UP ay ilegal. Hindi man kapani-paniwala pero sa loob mismo ng ating pamahalaan ay mayroong 300,000 na kontrakwal na manggagawa na tulad nina Nelin, Stephanie at Silay. Tiyak na tatatak sa isipan ng mga manonood ang pahayag na ito ni Silay, “Ang mga manggagawa ba natin ay tulad ng produktong kanilang ginagawa - mura at pansamantalang gamit?” publiko na lamang ang bahalang humusga.

 

Nakapanayam ni Silay ang isa pang kontrawal na si Roderick na noon ay nag-trabaho sa kompanyang AVON. Dito ay isinalaysay ni Roderick ang paraan ng pagtrato ng kompanya sa mga tulad niyang kontrakwal. Mababa ang sahod, walang mga benefits, hindi naghuhulog ang kompanya sa Social Security System (SSS) at sapilitang paggawa. Inihayag niya na delikado ang karapatan nilang mga manggagawa sa loob ng pagawaan ng kompanya.

 

Sa Valenzuela, ang Kentex, isang pabrika ng pagawaan ng tsinelas ay nasunog. Mahigit 70 na manggagawa ang nasunog ng buhay sa loob ng pabrika na tila ba mas mura pa sa tsinelas na kanilang ginagawa ang halaga ng kanilang buhay. At ang nakakagimbal pa sa pangyayaring ito, lahat sila ay kontrakwal.

 

Ayon kay Doods Herodias, Deputy Secretay ng Kilusang Mayo Uno, noong panahon ng dating pangulong Corazon Aquino isinabatas ang Republic Act 6715 o Herrera Law na siyang nagpasa-legal sa kontrakwalisasyon sa bansa. At iyon na ang naging simula ng pagiging talamak ng kontrakwalisasyon dito sa Pilipinas. Ayon pa kay Herodias, nasasaad sa ating Labor Code na kapag naka-abot na sa anim na buwan ang isang manggagawa ay dapat na itong gawing regular ng isang kompanya. Samantala ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay siyang naglabas ng DOLE Order No. 18-A Series of 2011 na siyang nanghihikayat sa mga kompanya na gumawa ng mga “short-term contracts.” Tila ba isa itong paaran ng gobyerno upang mas lalong panigan ang neo-liberalism sa ating bansa kung saan mas lalong yumayaman ang mga kompanyang banyaga kesa sa ating mga kababayan. Kinokonsidera rin ito ng KMU bilang isang paraan ng pagsupil sa maraming karapatan ng mga manggagawa.

 

Tunay nga na mahalaga na alam ng bawat tao ang kanilang mga karapatan. Importante ito nang sa gayon, kapag dumating na ang pagkakataon na sila ay nayurakan at kailangan na nilang lumaban ay may armas silang magagamit. Maging ang mga kontraktual ay may karapatang lumaban dahil marami tayong batas na magproprotekta sakanila. Kailangan na lamang ng mabilis na aksyon mula sa gobyerno na siyang lumulutas ng mga problemang tulad nito. Ngunit nasa puso nga ba ng ating pamahaalan ang pagtulong sa mga kontrakwal o mas isinasapuso nila ang mga paraan para makasabay sa globalisasyon.

 

© 2023 by WRITERS INC. Proudly created with Wix.com

  • facebook-square
  • Twitter Square
bottom of page