Kapaligiran, nasa panganib
Anna Rodrigez
“Wala ka bang napapansin sa iyong mga kapaligiran. Kay dumi na ng hangin pati na ang mga ilog natin. Hindi nga masama ang pag-unlad at malayo-layo na rin ang ating narating. Ngunit masdan mo ang tubig sa dagat dati’y kulay asul ngayo’y naging itim. Ang mga dumi nating ikinalat sa hangin, sa langit wag na nating paabutin. Upang kung tayo’y pumanaw man, sariwang hangin sa langit natin matitikman.”
Ito ay ilan lamang sa liriko ng kantang “Kapaligiran” na ikinanta ng Asin. Ipinapakita dito na malaki na ang pinagbago ng ating kapaligiran dahil sa mga maling gawain ng mga tao. Ipinapamukha nito na hindi na maganda ang kapaligiran natin dahil sa iba’t-ibang polusyon.
Kung iyong papansinin ang ating paligid, simula sa lupa, dagat, hanggang hangin ito ay sirang-sira na. Dahil sa mga basura na ating kinakalat sa paligid ay nagkakaroon ito ng masamang epekto sa ating kalikasan. Dahil din dito ay naghihiganti ang Inang Kalikasan sa pamamagitan ng mga kalamidad.
Ang baha na patuloy nating nararanasan sa tuwing umuulan ay isa lamang sa mga masamng epekto ng basura na ating kinakalat. Dapat nating matutunan ang tamang paghihiwalay ng mga basurang nabubulok at di-nabubulok. Dapat tayong matuto na maglinis sa ating paligid katulad na lamang ng pagtatanggal ng mga basura sa drainage sa ating lugar. Dapat ay maging alerto tayo sa lahat ng bagay at matuto tayo sa mga kalamidad na ating naranasan dahil sa mga mali nating gawa.
Hindi mo ba alam na sa isang plastik ng kendi na iyong tinatapon sa isang lugar ay maaaring maging kabundok na basura? Kung kalahati sa isang milyong tao sa ating bansa ay nagtatapon din ng plastik ng kendi ay siguro’y maaari pa nitong mataasan ang Bundok Apo at ang magkakaroon ng panibagong Smokey Mountain. Makakabuo tayo ng isang bundok ng basura na maaaring mapasama sa Guiness Book of World Record. Nakakatuwang isipin ngunit mas nakakahiya dahil basura pa ang kaya nating ipagmalaki. Hindi ba nakakahiya na kapag may mga dayuhang pumupunta sa ating lugar ay basura at mga kalat agad ang napapansin?
Maganda ang ating bansa. Punong-puno ito ng mga magagandang tanawin na kayang-kaya nating ipagmalaki sa buong mundo ngunit punong-puno din ito ng mga basura. Sinasabi sa atin na makikita natin na ang isang tao ay malinis kung sa paligid pa lamang nito ay malinis na siya. Tatanggapin mo ba bilang isang Pilipino na sasabihan ka ng dugyot? Madumi? Salaula? Mabaho? Tamad? Dahil lang sa mga basurang nagkalat sa ating kapaligiran.
Simulan natin ang pagbabago. Alisin natin ang maduming tingin sa ating mga Pilipino at sa ating bansa. Sa simpleng pagwawalis sa ating paligid, sa paghihiwalay ng mga basurang nabubulok, di-nabubulok at maaaring i-recycle, sa simpleng disiplina na itapon ang basura sa tamang basurahan, sa pagbabawas ng paggamit ng mga plastic at styrofor, sa pagbabawas sa paggamit ng kotse na maitim ang usok na maaaring magpolusyon sa hangin at sa simpleng pagiging malinis sa sarili ay pwede nating mabago ang ating bansa sa pagiging isang malinis na bansa. Maki-isa sa mga proyekto ng gobyerno upang maiwasan ang mga pagbaha. Makisama sa mga clean-up drive sa inyong barangay. Madaming dapat gawin kaya simulan na ang pagkilos, kaibigan
Ikaw, magtatapon ka pa ba ng basura sa iyong paligid? Bato-bato sa langit ang tamaan sapul.