Ipagmalaki ang Iskolar ng Bayan
Anna Rodrigez
“Kapag gusto niyo, gawin niyo kung iyan ang nasa puso niyo.” mensaheng binitawan ni G. Arnel Ramos Felix para sa mga nangangarap maging direktor pagdating ng panahon.
Si G. Arnel Ramos Felix o mas kilala sa tawag na Direct Arnel ay dating mag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines sa kursong Bachelor in Computer Data Processing Management, Batch 1988. Siya ay isa sa mga iskolar ng bayan na nagkaroon ng magandang kinabukasan. Si Direct Arnel ay isa ng direktor o filmmaker sa iCam Entertainment. Nakapaggawa na rin siya ng mga indi films, short videos ng mga pulitika at dokumentaryo. Isa sa mga obra maestra na kanya muling nagawa ay ipinalabas lamang nitong Agosto 15, 2015, ang Te Amo Adios na pinagbibidahan ni Leon Miguel - isang sikat na aktor hindi lamang sa ating bansa kundi pati sa labas ng Pilipinas - sa Cultural Center of the Philippines o CCP Complex.
Bata pa lamang daw si Direct Arnel nang kinahiligan niya ang pelikula at paggawa nito. Ngunit kahirapan ang naging hadlang upang makamit niya ang pangarap na maging direktor. At dahil nga sa kahirapan ay sa Polytechnic University of the Philippines siya nag-aral kung saan abot kaya lamang ang matrikula dahil sa dose pesos kada unit nito. Naisipan muna niyang kumuha ng kursong alam niyang kikita siya pagkatapos niyang mag-aral at ito nga ang Bachelor in Computer Data Processing Management. Ayon sa kanya, sila ang kauna-unahang mag-aaral sa kursong ito.
Noong mga panahong kolehiyo siya ay hindi pa din nawala ang pagkahilig niya sa pagdidirektor. Kahit malayo ang koneksyon ng kursong kanyang kinuha ay hindi niya pinakawalan ang kanyang unang pangarap. Nagsimula siya sa photography, ngunit sa kabila nito ay hindi pa din niya kayang magkaroon ng sariling kagamitan. Mahal ang camera at film na ginagamit sa photography. Ito ang pinanghawakan niya upang maging maayos ang kanyang buhay.
Naging matagumpay si Direct Arnel sa buhay. Noong mga panahong siya ay kumikita na ng pera ay doon na siya bumili ng mga kagamitan sa paggawa ng pelikula. Nagsimula siya sa DSLR Camera dahil iyon ang isa sa mga bagay na nais niyang magkaroon simula noong nag-aaral pa lamang siya. At dahil nga sa hindi siya nakapagtapos ng kursong may koneksyon sa kanyang hilig ay naisipan niyang mag-aral sa Cebu ng kursong tungkol sa paggawa ng pelikula. Nag-aral din siya sa Cinemalaya Institute at nakatanggap ng Certificate of Completion. Nakapagtapos din siya sa U.P. Institute of Film Making.
“Kasi PUP tayo diba, kapag gusto natin tinawag tayong ganun, ganun ka talaga.” sabi ni Direct Arnel.
Nasa 20 taon na siya sa film industry at unti-unti ay nakakagawa na siya ng mas maraming pelikula o dokumentaryo. Ngunit sa kabila ng magandang estado niya ngayon ay hindi pa din nawawala ang mga kamalian na nagawa niya sa buhay. Ayon sa kanya, ang mga kamalian na ito ang naging tuntungan niya upang maabot niya ang kanyang pangarap tulad na lamang ang maipalabas ang kanyang pelikula sa kanyang ‘dream theater’ sa CCP Complex. Bawat pagkakamali ay iniisip niya sa positibong paraan. At lahat ng kanyang mga nakamit sa buhay ay tinuturing niyang ginto na dapat ingatan at pahalagahan.