top of page

Bakas ng kahapon

Franz Embudo

 

Bawat hakbang, abot-tanaw ang bukas.

 

Sa ating paglalakbay sa buhay, maaari tayong mabigo, maghirap at madapa sa ating paghakbang. Ngunit sa paglipas ng mga unos at paghilom ng sugat dulot ng masamang kahapon ay nakaabang ang bahagharing nagbibigay kulay sa tunay na kahulugan ng buhay - na sa bawat kabiguan, mayroong pag-asa.

 

Sa bawat pagpitik ng kamay ng orasan, hindi natin alam kung ano ang kahihinatnan. Maaaring kaligayahan, kalungkutan; pag-ibig, pagtitiis; problema at paghihirap. Masalimuot. Pero, ito ang buhay, ayawan man ay hindi maiiwasan. Sino nga ba ang makalilimot sa taong 2013? kung saan sinubok tayong mga Pilipino matapos ang mga delubyong dumapo sa bansang Pilipinas.

 

Setyembre 9. Ginulantang ng puwersa ng Moro National Liberation Front o (MNLF) ang mga bayan ng Rio Hondo, Sta. Barbara, Mariki at Sta. Catalina. Nadakip ng grupo ang tinatayang 220 sibilyan. Hiniling ng MNLF sa gobyerno na itaas ang bandila ng Bangsamoro sa pamahalaang pambayan kapalit ng mga bihag. Dahil dito, naparalisa ang ekonomiya ng Zambaonga at nadamay ang ilang inosenteng mamamayan.

 

Matapos ang kaguluhan sa Zambo, hindi pa natapos ang mga pagsubok sa buhay nating mga Pilipino. Noong Oktubre 15 niyanig ng magnitude 7.2 na lindol ang Gitnang Kabisayaan ng Pilipinas. Katumbas nito ang 32 bombang atomikong ibinagsak sa Hiroshima sa Japan sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pinatumba ang mga ospital, lokal na pamahalaan at mga simbahang daang taon ng nakatayo sa Bohol at Cebu tulad ng Basilica Minore del Sto. Nino, at maging mga tao ay hindi nakaligtas. Kaya naman itinuturing na ito bilang pinakamalakas na lindol na nangyari sa Pilipinas sa loob ng 23 taon.

 

Samantala, isang buwan pa lamang ng tayo ay yanigin, hindi pa man ganap na nakaaahon si Juan dela Cruz sa kanyang sitwasyon ay sinubok muli ang ating katatagan. Malalaking hampas ng alon, mala ipo-ipong hangin at malakas na ulan. Mga pangyayaring tumatak na sa ating mga isipan nang hagupitin ang kalupaan sa Kabisayaan ng mapaminsalang Super  bagyong 'Yolanda'. Sinalansan ng bagyo ang mga sasakyan, giniba ang mga konkreto at naglalakihang gusali, pinatumba ang mga nagtatayugang puno at pinatay ang mahigit na 6000 katao.

 

Matapos ang mala Noah's arc na senaryo ng pagbaha sa ilang kapuluan ng bansa, dumagsa ang tulong mula sa ating mga kababayan at maging sa iba't ibang panig ng mundo. Pinatunayan lamang dito ng bawat isa na ang bigat ng buhay ay mas magaan kapag may karamay.

 

Bangungot mang maituturing para sa lahat ang mapapait na karanasang ito, naniniwala pa rin ang sambayanang Pilipino na matapos ang malakas na ulan ay muling masusumpungan ang nakasilip na bahaghari na sumisimbulo ng panibagong pag-asa para sa bawat isa.

 

Dumaan man ang bawat isa sa lubak na yugto ng aklat ng buhay ay natuto naman tayo na kahit anumang hirap at problemang kinahaharap, patuloy pa rin ang indayog ng buhay at ang aral na sa bawat pagtilaok ng mga manok sa umaga ay masisilayan pa rin natin ang paglubog ng araw sa hapon.

 

Sa patuloy na paglipat ng mga pahina ng kalendaryo ay kasabay ang wasiwas ng mga kamay ng mga mananayaw na punong puno ng pag-asa na muling makakaahon mula sa pagkakalugmok ng ating bayan. Mga Pilipinong subukin man ng pagkakataon ay handa pa ring tumayo upang labanan ng may tapang ang hamon ng buhay. Mahirap man ang pinagdaanan ni Juan nitong mga nakaraan, mananatili na lamang itong bakas ng kahapon. 

 

© 2023 by WRITERS INC. Proudly created with Wix.com

  • facebook-square
  • Twitter Square
bottom of page