top of page

Nabubulag-bulagan

Yvonne Fernandez

 

Martial Law – Isang hindi malilimutang kaganapan sa ating kasaysayan na nag-iwan ng napaka-laking epekto hindi lamang sa ating bansa kundi pati na rin sa buong mundo. Setyembre 21, ika-apatnapu't tatlong taon mula nang maideklara ang batas militar at ano pa nga ba ang maaalala natin sa panahong ito? Wala na ngang iba kundi ang mga krimen at mga pagpaslang na naganap. Ngunit sa panahon na kinamumuhian at sinusumpa ng lahat, may mga bagong salita o jargons ang sumibol.

 

Ayon sa isang maikling dokyumentaryo na ginawa ng isang reporter na si Theresa-Martelino Reyes na siya namang iniulat sa CNN Philippines, naging daan ang batas militar sa mga kakaibang lingwahe na siyang hindi pangkaraniwan sa mga Pilipino noong panahon na iyon. Isang salita na siyang pinaka-popular o pinaka-nagamit noong panahon ng batas militar ay salvage na siyang nagdudulot ng nakakapanindig-balahibo na pakiramdam sa mga Pilipino noon kahit na marinig lamang ito dahil sa mga nagkalat na balita na kapag ang isang tao ay na-salvage, ito ay bigla na lamang nawawala at hindi na makikita kailanman at kung minsan ito ay makikita na lamang na nakabulagta sa kung saan at wala ng buhay. Ayon sa English dictionary, ang ibig sabihin ng salvage ay “to save from loss or destruction” ngunit mas nabigyang pansin ang mas madilim na kahulugan ng salitang ito dahil sa salitang Espanyol na salvaje na ang ibig sabihin ay “cruel” or “brutal”. Isa pa rito ay ang agente, na tumutukoy sa mga espiya ng gobyerno na siyang nagbabantay sa mga taong magsasalita ng masama laban sa rehimeng Marcos. Sinsabing ang mga agente ay pakalat-kalat lamang noon. Maaaring ang nagtitinda ng sorbetes sa tabi ng daan ay isang agente, ang iyong kapit-bahay, o ang iyong katabi sa klase. Tuta naman ang tawag sa mga taong sipsip sa mga prominenteng tao noong panahon na iyon. Karaniwan sila ay mga opisyal ng gobyerno, mga negosyante, mga heneral at miyembro ng pulisya at kanilang mga asawa. Noong panahon ng batas militar, ang salitang imeldific ay gingamit upang ilarawan ang isang tao na mahilig sa mga materyal na bagay gaya na lamang ng mga mamahaling alahas at sapatos. Ang salitang ito ay nahango mula sa pangalan ng Unang Ginang na si Imelda Marcos na kilala sa kayang marangyang paraan ng pamumuhay. Sa panahon ng batas militar, naging simbolo ang mga jargons na ito upang ipakita ang realidad ng ating bansa noon maging ang unti-unting pagkawala ng tiwala ng Pilipino sa pamahalaan.

 

Sa bisperas ng ika-apatnapu't tatlong anibersayo ng deklarasyon ng batas militar dito sa Pilipinas, nangako ang Pangulong Noynoy Aquino na kahit kailanman ay hindi na maipapatupad pang muli ang batas militar sa ating bansa. Sinuportahan ni Secretary Hermino Coloma Jr. ang pahayag na ito ng pangulo at sinabing dapat tayong mga Pilipino ay magka-isa sa pagkontra sa batas militar upang ang madilim na bahagi ng ang kasaysayan ay hindi namuling mangyari. Ang kalihim kaya ng Presidential Communications Operation Office (PCOO) ay nagiging tuta na ng administrasyon?

 

Salungat naman sa pahayag ng Presidente at ni Secretary Coloma, si Malvar Jose Villegas,

ang presidente ng “Pagkakaisa ng mga Pilipino para sa Pilipinas” ay nagpahayag na sa panahon ng batas militar lamang pinatayo ang pinaka-unang elevated train system at nuclear power plant sa bansa. Sinabi rin ni Villegas na sa panahon na iyon, ang bansa pa natin mismo ang nage-export ng bigas.

 

Apatnapu't tatlong taon na ang lumipas pero tayo ay nananatiling bulag pa rin sa mga nakakasira at masamang pananaw ukol sa batas militar. Oo nga at namatay noon ng panahon na iyon si Ninoy Aquino na siyang itinuturing na bayani ng mga Pilipino. Walang kalayaan noong mga panahon na iyon. Ngunit ang totoo ay kahit kailanman ay hindi natin binigyan ng sapat na pansin ang mga posibong naidulot nito sa atin at sa ating bansa. Bakit nga ba hindi natin kayang aminin na sa panahon ng rehimeng Marcos lamang naging organisado at disiplinado ang ating mga mamamayan at bansa? Maraming taon pa ang dadating at madaming beses pa natin gugunitain ang anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar, ngunit ang marami sa ating mga kababayan ang umaasa na matututo ang mga biktima ng panahon na ito na magpatawad upang hindi lamang ang mga sakripisyo at paghihirap ng batas militar ang ating aalahanin kundi maging ang mga may kabuluhan at mga napaka-gandang epekto na naibigay nito sa ating bansa.

© 2023 by WRITERS INC. Proudly created with Wix.com

  • facebook-square
  • Twitter Square
bottom of page