top of page

Pumapapel

Krizzia Porte

 

Umabot na sa 100 indibidwal ang nagpasa ng Certificate of Candidacy (COC) sa Commission on Elections para sa pagka-pangulo. Hindi na rin naman ito kataka-taka sa isang bansang may mapagmatyag na mamamayan at nagnanais ng pagbabago. Ang katanungan lamang ay kung tapat ba at may plataporma ang mga ito para sa kanilang pagtakbo at hindi pumapapel lamang sa tila mala-pelikulang mga eksena habang papalapit ang eleksyon.

 

Ilan sa mga naunang naghain ng COC sa posisyon ng presidente ay sina dating director general Augusto Syjico Jr., Romeo John Ygona na residente ng Benguet na gustong ipalista sa balota ang kanyang pangalan bilang "Archangel Lucifer", si Marita Arita Arilla na isang guro mula sa Surigao del Sur na nagnais mapagtibay ang absolute monarchy sa bansa. Ang nga nabanggit na plataporma ng mga tatakbong presidente ay nakakatawang isipin ngunit hindi rin naman basta-basta pwedeng husgahan ang mga ito na walang karapatan sa pagtakbo. Suportado ito ng sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na ang pinakamainam na pananaw raw ay "igalang ang kanilang karapatan na maghain ng kandidatura dahil ito naman ay naaayon sa batas."

 

Sa kabilang banda, hindi naman makatwirang husgahan ang indibidwal na hindi kilala at patuloy pang naghahain ng kandidatura para sa pambansang posisyon. Gayunpaman, hindi rin natin maitatangging ilan sa mga ito ay ginagamit lang ang kanilang kandidatura para magdulot ng kahihiyan o katatawanan. Ito ay mapapansin sa halos taon-taon namang pagbasura ng COMELEC sa mga idinedeklarang "nuisance candidates" na walang plataporma at walang kakayahang maglunsad ng pambansang kampanya.

 

"Sa aking pananaw, hindi naglagay sa Saligang Batas ng mataas na dingding o pader na dapat laktawan ng mga Pilipinong nais kumandidato sa pinakamataas na posisyon," ayon pa kay Coloma. Kung gayon naman ay malayang makapaghain ng COC ang mga nais tumakbo sa pambansang posisyon at ang COMELEC na nga ang bahalang sumala sa mga ito. Kung kikilatisin, nagpapahayag rin naman ang malaking bilang ng mga tumatakbo na may buhay na demokrasya at aktibong pakikilahok ang mga mamamayan sa proseso ng halalan.

 

Tama naman at hindi dapat basta husgahan ang mga kandidatong ito dahil batas na rin mismo ang nagbigay-pahintulot sa kanilang karapatang maaari silang tumakbo sa gayong kataas na posisyon sa pamahalaan. Ayon pa sa Artikulo VII, Seksyon 2 ng Saligang Batas ng 1987 ay maaring tumakbong presidente ang isa kung siya ay likas na ipinanganak talaga dito sa Pilipinas, rehistradong botante, marunong bumasa at sumulat, nasa 40 taong gulang sa araw ng eleksyon at naninirahan sa Pilipinas sa loob ng 10 taon bago ang eleksyon.

 

Pero ganoon nga ba kalinaw at sapat ang mga spesipikasyon para masabing "nuisance" ang isang kandidato? Bilang isang konkretong halimbawang kung ano ang obserbasyon natin sa mga kandidato, ang "Pambansang Kamao" na si Manny Pacquiao ay halos hindi nahihirapan sa kanyang pagsasabay-sabay sa larangan ng isports, relihiyon at showbiz at nagnanais ring tumakbo sa 2022 bilang presidente. Kung gayon ba, may magsasabi rin bang maaari siyang maideklara bilang panggulo lamang?

 

Sa huli, hindi lang naman COMELEC ang dapat sumala sa mga kandidato kundi lalo't higit ay tayong mga mamamayan na siyang may hawak ng kapangyarihan sa araw ng eleksyon.

© 2023 by WRITERS INC. Proudly created with Wix.com

  • facebook-square
  • Twitter Square
bottom of page