Puso Ang Sandata, Pag-Ibig Ang Bala
Franz Embudo
Binubuklod- buklod ng ' pag-ibig' ang lahat ng tao sa mundo.
Ngunit minsan ay ito rin ang nagiging mitsa ng pagkakawatak- watak ng tao.
"Ang pag-ibig ang siyang gumigising sa atin sa umaga ng nakangiti. Ngunit minsan ay dahilan din natin ng pagtulog na umiiyak."
Isang umagang nababalot pa ng kadiliman, malalanghap pa ang samyo ng hangin kasabay ang pagdampi ng malamig na panahon, mauulinigan pa ang saliw ng mga nagsasayawang kawayan ang siyang gumising sa kamalayan ni Erika. Ito rin ang oras ng pag-alis ng kanyang asawa na si Olan.
Si Olan ay isang pulis. Tagapangalaga sa seguridad ng mga tao. Tagabantay ng komunidad sa mga bantang kaguluhan. Tagapanatili ng kapayapaan. Nagbibigay ng serbisyo- publiko at naglilingkod para sa bayan. Isang propesyong maituturing na 'buwis- buhay'. Tungkuling kinalimutan na ang pansariling kaligtasan at mas isinaalang-alang ang kapakanan ng mamamayan.
Sa pagmulat ng kanyang mga mata, kanyang iniunat mga kamay na niyang nangalay sa mahimbing na pagkakatulog. Bumangon. Tinungo ang banyo. Lumagaslas ang tubig mula sa gripo at naghilamos ng mukha. Mabilis na iniayos ang sarili sa tapat ng salamin at nagmadali sa pagnanais na maabutan pa ang kanyang asawa. Nasumpungan niya ang kanyang asawang si Olan malapit na sa pintuan ng kanilang bahay. Gayak na ito. Nakabihis ng uniporme sa trabaho. Suot ang sumbrerong pangpulis at sukbit ang magkakaibang kalibre ng baril na nakasuksok sa iba't ibang parte àng kanyang katawan. Akma na niyang lisanin ang kanilang tahanan ng masilayan niya ang asawa na si Erika.
Hindi biro ang maging pulis. Maraming bagay ang isasawalang bahala magampanan lang ng buong puso ang kanilang trabaho. Panahon, pamilya, pansariling kaligtasan, buhay at maging pag-ibig ay kanilang itayaya para sa lahat. Sinumpaang pangako para sa bayan ay habang buhay nakapasan. Suntok sa buwan ang kapalaran kung sila pa ay makababalik pa sa kanilang mga tahanan. Katapangang hindi matatawaran ng kahit anong bagay.
Matamis na mga salitang "Mahal kita." ang pumaimbabaw sa umagang iyon. Isang makahulugang halik ang inialay ng bawat isa bago si Olan sumibat. Iniwan niya si Erika at ang natutulog pa nitong inosenteng anak na si Junjun, pitong taong gulang. Wala siyang nagawa kundi panuorin ang papalayong direksyon ng kanyang asawa. Buntong hininga at panalangin ang tanging nagawa ni Erika.
Mabigat na responsibilidad ang iniatang sa mga kapulisan. Sa kanila nakasalalay ang katahimikan, kaayusan, kaligtasan, at kapayaan ng bansa. Kaya't sa bawat oras na sila ay tutupad sa kanilang tungkulin, buhay ang nakataya. Mga pamilyang nagaabang sa walang kasiguraduhan kung makababalik pa ang kanilang padre de pamilya. At mga haligi ng tahanan na hindi alam ang kahihinatnan at kinabukasan. Isang trabahong maaaring tumuldok sa isang pamilyang nagmamahalan.
Sa isang lugar kung saan tinatago ng bughaw na ulap, kinukubli ng malawak na maisan at pinagdaramot ng ilog na kilala sa tawag na Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao nagtungo ang PNP Special Action Force- grupong kinabibilangan ni Olan. Bitbit ang praktisadong katawan, karanasan, kaalaman, inspirasyon, dasal at misyong mapasakamay ang Malaysian bomb makers na sina Zulkifli Bin Hir o Marwan at Filipino na si Abdul Basit Usman na mga tinaguriang 'Most Wanted' sa kontinenteng Asya. Takot at pangamba ang nararamdaman ni Olan ng mga oras na iyon. Nais man niyang umatras ay hindi magawa.
Sa sitwasyong katulad ng kay Olan sumagi sa aking isipan ang mga linya ni Marcelo Santos ll na nagpapaalala sa akin na maging matatag at hindi dapat sumuko sa lahat ng pagsubok. Sabi niya, "Sa totoong mundo, walang taympers, walang teka lang. Walang magic, walang save mother save all. Walang yes lahat lahat, walang no balik taya."
Malalakas at walang humpay na putukan ng mga matataas na kalibre ng armas ang umalingawngaw sa pagsilip ni Haring Araw. Ang tahimik na lugar ay napalitan na ng magulo at maingay na kapaligiran. Nabalot ng nakabibinging pagsabog ng mga bomba at pagulan ng mga bala ang bawat sulok ng maisan. Binulabog ang noon ay tila himlayan ng mga patay sa katahimikan. Binasag ang katahimikan ng sampung oras na bakbakan. Walang patid na sagupaan sa pagitan ng grupo ni Olan at mga hinihinalang nagkakanlong kay Marwan.
Dumanak ang dugo. Nagkalat ang mga nagkapirapirasong bagay sa damuhan. Tila naging himlayan ng mga bangkay ang lugar. Nasira ang malaparaisong lokasyon. Buong giting na lumaban si Olan ngunit sa kasamaang palad, siya ay bumagsak. Ang magiting na pulis ay humilata sa likod ng puno na kanyang pinagkukublian. Umagos ang dugo at nagsimula ng manghina. Habang nagaagaw buhay, bahagyang naigalaw nito ang kanyang kanang kamay at kinuha ang kanyang pitaka na naglalaman ng larawan ng kanyang mag-ina. Pinagmasdan niya Ito. Mayamaya pa ay tumulo na ang kanyang luha. Bahagyang nakalimutan ang sakit na nadarama. Nabitawan niya ang hawak na kapirasong litrato nang biglang malagutan ito ng hininga. Kabilang si Olan sa 44 na pulis na nasawi.
Hindi man nagawang makabalik ng buhay si Olan sa kanilang tahanan ay nagtagumpay naman ang kanilang grupo sa kanilang misyon matapos mapatay si Marwan. Natapos man nang marahas ang buhay ng mga pulis katulad ni Olan sa mundong ibabaw, nagbigay naman sila ng malaking kontribusyon sa bansa. Ginampanan ng bawat isa sa kanila ang trabaho sa abot ng kanilang makakaya mapasahuli nilang hininga.
Nang mabalitaan ni Erika ang malagim na nangyari sa kanyang asawa ay panaghoy ng labis na kalungkutan ang humipo sa kanyang damdamin. Bakas sa mukha ng isang ina ang kawalan at poot. Sigaw ng kanyang pusong nagdadalamhati, hustisya at katotohanan sa likod ng karumaldumal na pagpaslang sa kanyang asawa. Wala siyang nagawa kundi umiyak. Ang ilaw ng tahanan ay til a napundi na. Hinagpis niya ay hindi na maipinta.
Ama...
Asawa...
Anak...
Sila ang 44 na magigiting na PNP-SAF na ipinain ang buhay para sa kapayapaan. Mga bayaning iniudyok ng dahil sa pagmamahal sa trabaho, sa pamilya, sa kapwa, at sa bayan kahit maging buhay ay kabayaran.
Ang pag-ibig na minsang gumising kay Erika sa umaga ng nakangiti ay siya rin palang magiging dahilan ng pagtulog niya sa gabi na umiiyak. Sa mga oras na iyon, may tanong sa isipan ko. Paano na ang pusong nag-iisa ngayong wala na siya? Binawi ng isang iglap ang kabiyak ng kanyang puso. Naglaho ng bigla si Olan habang nakikipaglaban gamit ang puso bilang sandata at pag-ibig bilang bala.
Ang 'peg' ng tunay na pag-ibig ay hindi lang maipapakita sa pagbibigay ng mga mababangong bulaklak, matatamis na tsokalate, at mga regalo sa taong mahal mo. Ang pagmamahal sa sarili, sa pamilya, sa kapwa, at sa bayan na nakatanim sa puso ni Olan ay isang halimbawa ng tunay at wagas na pag-ibig.