Tugon sa MDGs
Bilang ng Malnourished na bata, pababain ng 13.5% ngayong taon
Franz Embudo
Tinatarget ng pamahalaan sa pangunguna ni Pang. Benigno S. Aquino III na pababain sa 13.5% ang bilang ng malnourished na bata ngayong taon mula sa 20.2% noong 2011 bilang bahagi ng Millenium Development Goals (MDGs), ayon sa Food and Nutrition Research Institute.
Sa kanyang talumpati sa National Awarding Ceremony sa Lungsod ng Pasay noong nakaraang Nobyembre taong 2014, hinimok niya ang taumbayan at ahensya ng gobyerno na makiisa upang malunasan ang malnutrisyon sa ating bansa, lalo na sa wastong pagkaing kailangan ng mga bata.
"Hinihikayat ko po ang bawat isa na kung maaari, doblehin pa ang kayod at pag-igihan pa ang pagtutulungan para sama-sama nating mapagtagumpayan ito.", pahayag pa ni PNoy.
Binigyang-diin ni PNoy na ang isa sa mahahalagang dapat gawin ay pagtuunan ng pansin ang unang 1000 araw ng bawat bata-buhat sa paglilihi hanggang sa dalawang taon niya.
Idinugtong niyang magagawa ito sa tulong ng wastong pagkain ng nagdadalang-taong ina, himukin silang pasusuhin ang sanggol, maglagay ng lactation stations at pagsusulong ng regular na paggamit ng alternatibong gatas.
Kaugnay nito, patuloy sa pagpapatupad ng supplementary feeding programs at paghahain ng masusustansyang pagkain sa mga kabataang dumadalo sa day care sessions at supervised neighborhood play ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang Local Government Units (LGUs).
Sa katunayan, noong Setyembre ng nakaraang taon, umabot na sa 581,388 ang bilang ng mga batang nahandugan ng masustansyang pagkain sa 13,268 day care centers sa ating bansa.