top of page

Isang Pelikula

Krizzia Porte

 

Panahon na naman ng eleksyon. Habang palapit nang palapit ang araw ang araw ng halalan ay tila ba mas lalong nagiging kapana-panabik ang mga pangyayari at nagmimistulang isang pelikula ang lahat na may iba't ibang artistang gumaganap. Sino pa ba ang mga ito kundi ang mga tumatakbong kandidato.

 

Nariyan at hindi mawawala ang mga pulitikong magkakadugo na matutunog ang pangalan ngunit nag-iiwan ng malaking kakulangan pagdating sa mga hanggang sabi-sabi lamang na mga pagbabago. Halimbawa na nga lamang ay ang pamilya ng mga Marcos na patuloy pa ring pinanghahawakan ang kanilang karisma sa kapangyarihang pampulitika, mapa-lokal man o pambansa. Ito na ang umuusbong nang elitistang sistema sa mahabang lista ng mga tatakbo sa iba't ibang posisyon sa gobyerno.

 

"The problem with elite politics is there is no program or platform, it's all power," ayon pa kay Ramon Casipile, executive director ng grupong Institute for Political and Electoral Reforms. Gayunpaman, ito nga ang problema sa karamihan ng mga tumatakbo ngayon. Sa aminin man natin o hindi, malaki ang impluwensiya kapag kilala ang ang pamilyang kinabibilangan mo. Ngunit hindi lamang natatapos ang lahat dito.

 

Hindi mawawala ang mga panggulat sa eksenang nagsimula nang isa-isang magdeklara ng kani-kaniyang kandidatura ang mga tatakbo. Kung sa pambansang posisyon naman ay paniguradong isa ito sa pinaka-pinag-uusapan. Ang deklarasyon ng kanilang pagtakbo ay nasa iba't ibang porma. Mula kay Sen. Mar Roxas, Sen. Grace Poe, Sen. Miriam Defensor-Santiago. Pati na rin ang pagpapakalbo ng ilan para iapela ang pagkandidato ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte Jr.

 

Sa huli ay hindi rin naman dapat pangibabawan ng iba't ibang gimik ng mga kandidato, mapa-lokal man o pambansa ang tunay na mga plataporma nila. Bagamat may kanya-kanyang sistema ang mga tatakbo para makakuha ng boto, nasa taumbayan pa rin ang huling pasya.

© 2023 by WRITERS INC. Proudly created with Wix.com

  • facebook-square
  • Twitter Square
bottom of page