top of page

Pagdomina ng Kolonyal na Metalidad sa Pilipinas

Jannela Garriel

 

Tinatawag na Kolonyal na Mentalidad ang pagtangkilik sa mga produkto ng ibang bansa, ang paggaya sa kanilang kultura, at ang pag-asam na maging bahagi ng kanilang lahi. Nakikita itong pasakit sa isang estado sapagkat hindi ganoon kalubos ang pagmamahal ng isang tao sa kanyang bansa na nagreresulta sa pagbaba ng tingin nito sa kanyang sariling kultura. Mas pinahahalagahan nila kung anong meron ang iba na kung mapagtatanto lamang nila ay mayroon din sila. Dito sa Pilipinas, nakakalungkot isipin na maraming tao ang nagtataglay ng kolonyal na mentalidad. Sa katunayan, isa pa ito sa mga kahinaan ng mga Pilipino. Ngunit ano nga ba ang mga dahilan sa likod nito?

 

Una sa lahat, walang tiwala ang mga Pilipino sa kalidad ng mga produkto dito sa Pilipinas. Sa totoo lang, higit na mas mabuti ang kalidad ng mga produkto dito kaysa sa kalidad ng mga produkto sa Tsina. May pag-iisip lang talaga nila na mas lamang at mas mainam gamitin ang mga produkto sa ibang bansa (maliban sa Tsina). Ayon sa mga eksperto, mayroong ganoong pag-iisip ang mga Pilipino dahil na rin sa sunod-sunod na pagsapok noon ng mga dayuhan sa ating bansa. Mula noon ay itinuturing na nila ang mga dayuhan na superyor sa kanila at nabuo ang paghanga sa mga ito. Isa na ngang halimbawa ang pagtangkilik ng mga Pilipino sa mga artista mula ibang bansa. Masyado sila humahanga sa kagandahan ng pisikal na itsura at talent ng mga ito. Nagiging resulta na rin nito ang pagtangkilik ng mga Pilipino sa musika ng iba kahit hindi nila maintindihan. Ang iba nga’y sinasadya pa ang ibang bansa para lang makita at masuportahan ang kanilang iniidolo. Nakakatawang isipin na ni sariling musika ng kanilang bansa ay hindi nila masuporahan dahil napakababa ng tingin nila dito.

 

Isa pa ay ang paglipat at paninirahan ng mga Pilipino sa ibang bansa. Pinaniniwalaan kasi nila na mas maganda ang kalagayan ng buhay doon kaysa rito. Marami pang ibang kagawian ang napapailalim sa pagkakaroon ng kolonyal na mentalidad. Ngunit kahit na ganoon, mayroon pa rin namang mabubuting dulot ang pagkakaroon ng kolonyal na mentalidad ng mga Pilipino. Natututo silang i-respeto ang kultura ng ibang bansa. Hindi na rin isyu ang diskriminasyon ng lahi dito. Nagiging bukas ang isipan ng mga Pilipino sa mga kaugalian ng mga taga ibang bansa.

 

Kahit na unti-unti na ngang nadodomina ng kultura ng ibang lahi ang Pilipinas, sinusuportahan pa rin natin kahit papaano ng kapwa nating mg Pilipino na nagsisikap upang isulong ang pangalan ng ating bansa sa iba’t ibang larangan. Sa katunayan, kilalang mga online voters ang mga Pilipino dahil sa dami nga ng mga internet users dito. Kaya kapag mayroong patimpalak sa ibang bansa at may Pilipinong kalahok, panigurado na iyang magiging most voted ng mga manunuod. Kahit na unti-unti nang namamatay ang OPM o Original Pinoy Music, may iilan pa ring nagsusumikap upang iangat itong muli. Kahit papaano’y may mga Pilipino pa rin namang tumatangkilik sa sariling niyang produkto. Siguro nga’y hindi na natin maiaalis ang kolonyal na mentalidad sa pag-uugali ng mga Pilipino, ngunit may mga paraan pa rin naman upang itaas ang bandera ng Pilipinas at ipaglaban ang sariling atin. Hindi pa naman huli ang lahat, marami pa ring naniniwala na baling araw ay gagawa ng isang malaking pangalan ang Pilipinas sa buong mundo.

© 2023 by WRITERS INC. Proudly created with Wix.com

  • facebook-square
  • Twitter Square
bottom of page