top of page

Mula Berde Naging Pula

Yvonne Fernandez

 

 

Maraming taon na ang lumipas, ang mabilis na paglobo ng populasyon ay nagdulot ng isang malaking pagkabahala sa mga awtoridad dahil sa nagbabadyang banta ng malawakang pagkagutom sa mundo. Kaya naman, isang grupo ng mga siyentipiko at mga mananaliksik ang tinipon upang mag-imbento ng isang prosesong agrikultural na makakapag-padami sa produksyon ng palay at iba pang produktong agrikultural sa mga bansa sa Asya at Latin Amerika. Tinawag nila ang proyektong ito na “The Green Revolution.”

 

Isang bigas na pinangalanang “IR8” na unang pinrodyus noong 1966 ng International Rice Research Institute (IRRI) sa Unibersidad ng Pilipinas, Los Baños.

 

Ngunit sino ang mag-aakala na ang proyektong dapat na magdudulot ng milagro ay siyang nagdulot ng iba't-ibang nakakagimbal na epekto.

 

Si Bruce Nussbaum, isang Pilipinong mananaliksik, ay nag-bahagi ng kanyang karanasan habang siya ay bahagi ng nasabing proyekto. Bente-uno anyos lamang si Nussbaum nang siya ay unang sumali sa proyektong “The Green Revolution.” Ayon sakanya, totoong ang proyektong kanilang sinimulan ay nakatulong sa milyong milyong taong nakakaranas ng gutom ngunit iba't-ibang sakripisyo ang naganap habang isinasagawa ang proyektong ito. At doon na nagsimula si Nussbaum na magduda at tinanong niya ang kanyang sarili kung ano nga ba ang tunay na halaga ng proyektong kanyang napasukan.

 

Isinaad ni Nussbaum na bago siya sumali sa proyekto ay isa siyang guro sa Science sa ikatlong baitang sa isang paaralan sa Caloocan. Nagtungo si Nussbaum sa opisina kung saan pinag-aaralan ang diumano'y Miracle Rice at doon na nagsimula ang lahat. Tumulong siya sa pag-aaral upang makita ang pagkaka-iba sa pagitan ng paggamit ng Water Buffalo at ng traktora mula Japan kapag lilinangin na ang pakayan ng mga bagong binhi. Tradisyon na kung maituturing sa mga Asyano ang paggamit ng Water Buffalo sa paga-araro ng lupa nang hindi gumagamit ng pataba. Ngunit habang tumatagal ang panahon at nakaka-diskubre tayo ng iba't-ibang bagay at patuloy na umuulad ang teknolohiya, ipinakilala sa mga magsasaka ang makinang traktora na mula sa Japan na siyang tutulong daw sa mga magsasaka upang mas mapabilis ang oras ng kanilang pagtatanim. Sa huli, ang resulta ng pag-aaral ay pabor sa traktorang mula Japan. Ngunit habang tumataas nga ang produksyon sa mga pananim ng magsasaka gayundin namana ng siyang pagtaas ng pangangailangan nila sa gas para magamit ang makina.

 

Ang mga maliliit na magsasaka noon mula sa mga probinsya sa Luzon ay nagsimula ng mawalan ng pag-asa. Paano nga ba sila makikipag-kompitensya sa miracle rice na siyang kaloob ng gobyerno sa mga tao? Bilang tugon ng gobyerno, sila ay nangako sa mga magsasakang ito ng special loan na diumano'y tutulong sakanila upang makabili ng mas madaming pataba para sakanilang mga pananim at gas para sa traktora. Pero kahit kailan ay hindi ito nangyari. Nadagdagan pa ang kanilang suliranin nang ang presyo ng Water Buffalo sa merkado ay bumaba.

 

Sa iba, ang proyektong ito ay biyaya, isang himala. Ngunit sa iba, kagaya ng mga maliliit na magsasaka, ito ay sumpa.

 

Ang Green Revolution ay siyang nagsulong ng mas matinding rebolusyon sa mga tao sa Luzon. Alam naman nating lahat na ang Luzon ay ang sentro ng lahat ng rebelyon sa Pilipinas. Nagsimulang lumaban ang mga Pilipino sa Luzon para sa kanilang mga karapatan. Nais nilang mabawi ang mga lupain na nararapat na maging sakanila. “With the introduciton of the Miracle Rice, central Luzon exploded once again.” Ayon kay Nussbaum.

 

Ang proyektong ito ay orihinal na sinimulan upang pakainin ng mga tao. Para tulungan silang mabuhay. Para hindi maranasan ng mga tao ang kagutuman na nararanasan ng mga tao ngayon sa kontinente ng Africa. Ngunit maliwanag na hindi na ito ang naging mukha ng proyektong ito. Maaaring ito ay nakaka-kilabot sabihin, ngunit habang ipinapatupad ang Green Revolution noong mga panahon na iyon, hindi man siguro napansin ng gobyerno o hindi kaya mas pinili nilang huwag pansinin, pero nag-iba ang kulay ng proyektong kanilang sinimulan. Mula sa berde para sa mga halaman, naging pula ito para sa mga dugong dumanak.

 

© 2023 by WRITERS INC. Proudly created with Wix.com

  • facebook-square
  • Twitter Square
bottom of page