top of page

Ramdam Mo Ba?

Krizzia Porte

 

Una sa lahat: Nabawasan na ng halos isang oras ang pagbagtas sa kahabaan ng EDSA. Subalit makatwiran pa rin nga bang pakinggan ito kung inaabot pa rin sa isang oras ang pagbiyahe sa isa sa mga pangunahing daanan sa Kamaynilaan?

 

Sa kabilang banda, hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na pinakamalala sa lahat ng mga syudad sa buong mundo ang trapik sa Metro Manila na sinundan ng Rio de Janeiro at Sao Paolo sa Brazil at Jakarta sa Indonesia. Ito ay ayon sa Waze na isang online application na panukat ng daloy ng trapiko at pagbibiyahe sa loob ng mga syudad. Samakatwid ay ano pa ba't isang problema itong nangangailangan ng solusyon kahit pa may kaunti nang ipinagbago ang pagbibiyahe rito kahit papaano.

 

Sa ganang ito, dapat rin tayong maging bukas na hindi lamang ang mga gawaing pang-ekonomiya ang binibigyang-bara ng trapiko sa Metro Manila kundi nakaaapekto rin ito sa kalusugan ng mga drayber at pasahero. Kung gayon ay nararapat ang isang konkretong aksyon na magmumula sa pamahalaan hinggil sa isang mabigat ring problemang ito ng bansa.

 

Kung ang Maynila ay may pinakamalalang trapiko sa buong mundo, ano na ang dapat na ipangtapat na aksyon dito? "Ang responsibilidad natin ay pawiin 'yung ganoong klase ng impresyon at palitan ito ng mas magandang pagkilala at patuloy naman natin itong ginagawa," sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr.

 

Mabuti rin namang nagbigay ng utos si Pangulong Benigno Aquino III sa PNP Highway Patrol Group para mamahala sa trapiko sa EDSA. Kahut papaano'y naibsan ang mabigat na daloy ng mga sasakyan dahil sa kanilang pagmanando at paghuli sa mga nagmamanehong sumusuway sa batas-trapiko.

 

Ang kailangan na marahil ay mga panukala para mas makita ang mga pagbabagong ito sa ating kakalsadahan. Ang pangunahing problema sa dami ng sasakyan at mga aksidenteng nangyari lalo't higit kapag rush hour, ang kakulangan sa traffic lights sa mga intersection at U-turn slots ay nangangailangan ng kaunting pagbabago. Malaki ang naidudulot na negatibong epekto ng mabigat na daloy ng trapiko. Kung hindi tayo kikilos para solusyonan ito, kailan pa?

© 2023 by WRITERS INC. Proudly created with Wix.com

  • facebook-square
  • Twitter Square
bottom of page