Plantsado
Krizzia Porte
Ito na nga marahil ang maaring maglarawan sa kung paanong pinabilis ni Pope Francis ang makapanubos-oras na proseso ng annulment.
Nito lamang Setyembre 8 ay naglabas ang Simbahang Katoliko sa Roma ng pares ng mga dokumentong nagbibigay reporma sa paraan ng Simbahan sa paghawak ng mga kaso ukol nga sa annulment. Ang mga panuntunang nakasaad sa Code of Cannon Law at Code of Cannons of the Eastern Churches ay napalitan ng ilang seksyon hinggil sa annulment.
Marami naman ang nag-iisip na maaaring magbunsod ang aksyon ng Sto. Papa sa mabilisang pagsasampa ng annulment ng ilang mag-asawa at pagkasira ng pamilya. Ngunit agaran rin naman ba itong papayagan ng Simbahan na siyang nagsusulong at gumagabay sa moral ng pamilya? Hindi. Samakatwid pa nga'y ito ay isang malawak na tarangkahan na nabuksan para sa mga mag-asawang may kinakaharap na isyu sa kanilang pagsasama tulad na lamang ng pang-aabuso.
Gayunpaman na idinidikit ang pagbabagong ito sa pagbubukas ng Simbahan sa modernong panahon, hindi rin naman ito nangangahulugang dapat na ring husgahan ang mabilis na proseso ng annulment bilang isang sistematikong paraan ng pagkasira ng pamilya. Nakaayon sa Family Code ng ating konstitusyon kung anu-ano ang mga panuntunan para ideklarang "annuled" na ang isang mag-asawa at hindi ito basta-bastang iginagawad lamang. Kung para sa isang babaeng inaabuso ng kanyang asawa, mali bang gumawa rin siya ng paraan para hindi na danasin iyon? Ngunit kung hindi naman katanggap-tanggap ang rason, batas na ang bahala at Simbahan na ang magpapasya.
Hindi rin naman nito ipinapakahulugan na unti-unti nang lumuluwag at bumababaw ang mga kautusan ng Simbahan hinggil sa annulment. Isipin rin natin ang dalawang taong ipinakasal nang sapilitan at nananatili pa rin sa sitwasyong malinaw na wala sa kanilang kagustuhan. Ito ay nagpapakita ng pag-alis sa kanilang sariling karapatan.
Magiging epektibo ang pagbabagong ito sa Disyembre 8 at magkakaroon rin agad ng pag-usad na 30 araw makalipas ang paghahain ng kaso.
Mayroong 1.2 bilyon na miyembro ng Simbahang Katoliko at kung magkakaroon man ng pagbabago sa ugnayang pampamilya ay makikita naman agad ito. Plantsado ang lahat kung aaksyunan agad ang isyung ito ng Simbahan.