top of page

Ikaw, Ano ang Pelikula Mo?

Crysalie Montalbo

 

Ang pelikula ay tila isang labanan sa digmaan. Sa bawat pag-iisip mo ng ideya na puwedeng ibato sa mga mata ng manonood, lalo ring umuunlad ang sarili mo at mas nakikilala ang bilang ikaw. Kahit na minsan ay natatalo ka, hind naging hadlang ang pagkatalo mo dahil alam mo sa sarili mo na noon pa lamang ay panalo ka na. Sadyang sinasanay ka lamang ng panahon.

 

Ganito ang buhay ni Arvin Belarmino, o mas kilala sa pangalang “Kadiboy”. Ipinanganak si Kadiboy noong ika-26 ng Agosto, 1988 sa probinsiya ng Masbate at kasalukuyang naninirahan sa lungsod ng Dasmarinas, Cavite. Ipinamamalas niya ang kanyang katangian bilang isang bokalista ng bandang Fherrond. Nakapag-aral siya sa De La Salle University Dasmarinas, Cavite at nakapagtapos sa kursong Bachelor of Science in Information Technology noong taong 2011. Nagsimula ang kanyang kasanayan sa larangan ng film noong siya ay walong taong gulang pa lamang at sa edad na ito, isinasama na siya ng kanyang ama sa pamamagitan ng pagdadala sa kanya sa movie house, video rental shop atbp. Pinakita ni Kadiboy na hindi hadlang ang murang edad para makamit ang pangarap sa buhay.

 

“Hindi ko alam na nakakabuo na pala ako ng sining sa mga paggawa ng maikling pelikula” aniya ni Arvin. Noong siya ay nasa kolehiyo, pinagpatuloy niya ang paggawa ng mga maiikling pelikula nang hindi niya ito pinapanood sa iba. Paborito niya ang ideya ng Dark Comedy, Dogme95 at Philosophy Film sa tuwing gagawa siya ng mga maiikling pelikula. Umabot din sa punto na gumawa siya ng pelikula tungkol sa kanyang buhay. Nagpatuloy pa rin si Kadiboy sa paggawa ng mga maiikling palabas. Hanggang sa nailabas niya ang “Kyel” sa kanyang direksyon kung saan ito ang unang pelikula niya na may istorya talaga para sa kanya. Dumating sa kanya ang oras na nahirapan siya nang sobra dahil nawawalan ng oras ang ibang parte ng kaniyang ginagawang pelikula. Ngunit sobra ang pasasalamat niya dahil mabilis itong nakapasok sa Cinemalaya 2015. At siya ay nabibilang sa Top 10 Finalists ng Cinemalaya 2015. Hindi man niya nakuha ang karangalan na manalo, patuloy pa rin ang kanyang paglalakbay sa larangan ng pelikula.

 

Sa ngayon ay anim na taon na si Kadiboy sa larangan ng paggawa ng pelikula. Aniya niya, “Isang masarap na dahilan para mabuhay dito sa mundo ay ang paggawa ng mga film. Kung talagang desidido ka sa paggawa ng mga maiikling pelikula, huwag ka puro plano lang. Kailangan may gawin ka na agad para doon.”

 

Ipinakita ni Kadiboy na kung talagang mahal mo ang isang bagay, magpupursigi ka para dito at hindi mo iisipin ang mga darating pang problema dahil nakatuon ka lang. Patuloy ang agos ng iyong paglalakbay. Makakabuo ka ng magandang pelikula dahil iyon ang buhay mo. Sa iyo nakasalalay ang pelikula ng buhay mo. Ikaw, ano ang pelikula mo?

 

© 2023 by WRITERS INC. Proudly created with Wix.com

  • facebook-square
  • Twitter Square
bottom of page